Wednesday, August 24, 2005

home

Sa wakas, makakauwi na rin kami. Medyo biglaan nga. Narinig lang namin na uuwi na kaso walang binigay na eksaktong petsa. Nung martes lang sinabi na aalis talaga ngayong linggo. Kahapon lang na-confirm na ang alis ko (kasama si mommy suzie) ay mamaya. Ang saya-saya.

Pero sa totoo lang, di naman ako gaano sumaya nung nalaman ang pag-uwi. Hindi pa nag-sink-in ang feeling na talagang makakabalik na sa Manila. Kahit ngayon, habang sinusulat ko tong blog, wala pa rin. Siguro pag nasa-eroplano na kami, saka ko pa lang mararamdaman na hindi ito isang panag-inip.

Maraming pinapaayos at ginagawa kaya di na ako nag-update ng blog. Kaya mag-recap na lang ako:

bowling

Sumali kami sa All-Pilipino bowling tournament. Nag-meeting pa kasi ang mga mommies kaya ang kids (Gerard, Ian, Libay) ang naging representative. Team Wala Lang kami. Pero di sa wala lang ang paglaro namin. Yung unang dalawang round ay para maayos ang bracket kung gaano ka-galing (o ka-malas) ang mga teams. Ang third round ang naka-bracket na. May trophy ang kada-tao sa team na mananalo. Magandang ilagay sa corner yung bowling trophy – maliit, kumikinang, pinaghirapan. Kaya Ganado kaming maglaro, kahit na di nag-praktis.

Sa unang dalawang round ang pangit ng laro namin kaya nalagay kami sa bracket C – ang Needs Improvement bracket. Pero humirit din sa final round – nakuha namin ang pinakamataas na team score (kung napapansin niyo, di ko nilalagay ang mga scores namin. sa totoo lang, mababa yung mga nakuha namin – lumulutang sa 100. hehehe).

Akala namin nanalo na kami. May nag-congratulate na nga e. Dahil ang bracket C ang pinaka-una sa lanes, hinintay namin matapos ang ibang brackets. Natapos din ang lahat ng laro kaso pinahintay na naman kami ng halos dalawang oras. Nahirapan silang magcompute ng scores. “World-record” daw ang attendance, 31 3-person teams ang nakilahok sa tournament.

Matapos ang lahat, talo pa rin kami. Kahit pinaka-mataas kami sa final round, di namin kaagad nalaman na ina-average pala ang lahat ng rounds. Handang-handa pa naman kami sa acceptance speech. Sa susunod na lang.

pag-alis

Halos tatlong buwan na pala kami rito sa Sri Lanka. Mahirap isipin na ganun na kami katagal. Sa pagdating, excited ang lahat. Sa pag-alis, nagpapasalamat ang lahat (sa Diyos).

May mga nabago rin sa amin. Kung sa Manila ang weekends ay para manood ng sine o kumain sa labas, dito masaya na kami na nakakapanood ng Desperate Housewives at makita kung sino ang iinterbuyihin ni Oprah ngayong linggo. Dito ko rin nalaman na mapalad tayo na mabilis ang internet sa opisina – sa totoong buhay di pala ganun lagi :p

May ma-miss din ako sa pag-uwi. Yung ngiti ni manong janitor na natututong mag-English (kami ang ilan sa mga test subjects niya) na kahit di namin naiintindihan minsan ang salita, naiintindihan namin na nandirito siya. Mamiss ko rin ang paglalakad sa lake, na kahit maraming tae ng uwak, nakakapag-munimuni ako tungkol sa mga nagawa at dapat gawin. Mamiss ko rin ang mga taga-bangko, na kahit makulit kung minsan alam kong ito’y dahil mahal nila ang sistema na aming ginagawa. At kahit na rin sina ama at tito, talagang makulit pero alam mo namang may mapupulot ka ring aral kahit papaano.

Ang di ko lang mami-miss ang mahabang buhok ko. Mainit e. Mahal kasing magpagupit dito. Kaya sa pagbalik sa Manila, magpapagupit na ako.

Monday, August 01, 2005

extended

Na-extend na naman kami for the nth time. Di sa ayaw ng bank – in fact mahal na mahal nila yung system kaya pinipiga nila talaga. Masyado lang OC sila na dapat lahat ng mga issues ma-resolve na. Medyo mahirap ata gawin yon. Kaya buti na lang kinausap nina Catherine and Aravinth yung mga bosing kaya may matinong schedule na rin ang pagbalik namin. Sa katapusan ng Agosto(?) na raw. Malamang di na yon ma-extend pa ulit. Kundi maglalagay na ng presyo sa ulo ko ang dost =(

Dahil nandito si Catherine, nilibre niya kami sa isang Sri Lankan restaurant sa hotel niya. Kasama rin namin ang mga users, para mag-bonding daw (as if di na sapat ang dalawang buwang pagsasama namin. hehe). Outdoor restaurant ang Curry Leaves na may kasamang acoustic band na kumakanta ng kahit ano – Sri Lankan, Beatlesque, Bob Marley. Habang kumakain kami, may narinig kaming masayang tugtugin sa daan. May kinakasal pala - tradisyon nila na iparada ang bagong kasal sa siyudad kasama ng malakas na tugtugin. Mahalaga ang komunidad sa kultura ng Sri Lanka kaya ganito ang nakasanayan nila. Sa pag-alis namin mga ala-una ng umaga, nakita pa namin ang bagong kasal paalis ng hotel. Nag-reception pala sila sa ballroom. Nagtaka lang din ako bakit sila yung huling umuwi. Sa mga movies sila yung nauuna, nakasakay sa isang magandang kotse na may lata sa likod. Dito, sumakay ang dalawa sa lumang pulang auto. Pagod? Masaya? Siguro lahat ng iyon ang nadama nila matapos ang lahat ng kanilang pinag-daanan upang makaabot sa puntong ito.

Nung Sabado, naisipan na magbowling kami sa Arena. Mga 20 minutes lang ang layo galing sa hotel kaya nilakad namin. Napadaan kami sa mga tindahan para sa damit pambata, Kidz. Mahirap maka-relate sa mga mommies habang kinakalikot nila ang mga bilihin. Halos pambabae laht ng mga paninda kaya sa tabi na lang kami ni Gerard. Pero nakakaaliw yung store – maraming gown (para sa mga sasali sa Little Ms. Philippines), at may makikintab na skirt (sa mga babies na may nightlife).

Matapos sa Kidz, tumawid kami para pumunta sa isa pang gusali. Nalito na naman kami sa right-hand driving (Tawid na tayo, malayo pa naman. | Teka, sa other side yan. Bilis!!!). At nahulugan ng tae ng mga uwak si She-Who-Must-Not-Be-Named. May nabasa ako na swerte raw ang ganun. Pero tinanggal niya kaagad. Sayang, di ko na malalaman kung totoo nga yun.

Nakaabot din kami sa Arena, kung saan nakakita kami ng ibang Pinoy. Sa susunod na Linggo, may All-Pilipino bowling tournament pala. Kaya nag-eensayo na ang mga kababayan natin. Inimbita nila kaming sumali, may libreng lunch daw at premyo sa mga mananalo. Di ko alam kung ano ang plano ng grupo.

Matapos ang dalawang buwan, nandito pa rin kami. Pagod, masaya, nalulungkot, nananabik. Go live? Medyo malayo pa yun. Go bowling na lang muna.

---

side note: di ganun kataas ang nakuha naming score sa bowling. mukhang kailangan kaming paulanan ng bird droppings kung sasali man kami sa tournament.

try namin magpost ng pictures within the week