Malapit ng umuwi ang mga tao dito. Kaya kahapon, marami ang nagsipagbili ng mga pangregalo at nagshopping ng kung anu-ano. Para sa amin ni Wikrom at Prasanna, ito ang naging panahon upang maglakbay sa Sigiriya, the Rock Citadel.
Nagsimula ang araw namin ng alas-kwatro ng madaling araw. Ang plano ay magkikita na lang kami ni prasanna sa bus stop malapit sa kanila dahil ang lugar niya ang junction patungo sa Sigiriya. Malayo rin ang bahay niya – siguro Makati hanggang Cubao pero ang pamasahe sa bus ay 15 rupees (7.5php) lang. Ayos din ang bus – may mga pictures ni Buddha na pinapalibutan ng blinking lights. Ewan ko lang kung dahil malapit na ang pasko o ganun talaga yun. Naghintay kami ng halos 20 minutes sa bus stop bago nakita namin siya at dun nagsimula ang aming paglalakbay.
Ang orihinal na plano ay kasama sina Daniel at Chandra ngunit nagback-out ang dalawa. Kung natuloy yun, mag-arkila sana kami ng van. Dahil wala, sumakay kami sa kotse ni prasanna na parang sasakyan ni Mr Bean. Isang Nissan March na maliit pero komportable sa loob.
May nadaanan kaming temple kung saan lahat ng kotse ay humihinto at naghuhulog ng barya sa isang butas sa pader. Sabi ni prasanna, ito ay prayer to the gods for safe travel. Huminto rin kami at naglagay ng barya. Saka mayroon kaming nadaanang lugar na may maraming white flags. Ito raw ay simbolo na may namatay na tao. Sabi niya bka dahil sa mga wild elephants. Malapit din sa mga white flags ang isang Buddhist crematorium. Tradisyon nila na sunugin ang katawan ng namatay at ikalat ang abo sa ilog o sa lugar na paborito ng tao.
Totoo ang sabi ni prasanna na isang oras sa labas ng
Colombo ay ibang tanawin na ang makikita. Marami kaming nadaanang palayan at dalawang forest reserve. Dun sa loob ng forest, huminto kami sa may nagtitinda ng buko at mais. May maliit ding shrine kung saan ang mga tao ay naglalagay ng mga dahon – ito naman ay para sa mga gods ng forest sa mga taong nais pumasok sa loob. Sa tabi ng daan, may mahabang vine na parang tali ni Tarzan na hinahawakan ng lalaki. Nung tinanong ko si prasanna, wala lang daw yun – siguro panglinis ng kamay matapos umihi. Ah!
Matapos ang dalawang oras ng paglalakbay, huminto kami sa lugar na may maraming roadside shops. Dito kami kumain ng almusal. Ang tipikal na almusal nila ay ang tinatawag na string hoppers na sotanghon na pinagsama upang maging bilog ang hugis. Nilalagyan nila ito ng kung anu-anong sahog gaya ng mais o isda. Mayroon din silang hoppers lang na pinainit na flour. Bowl-shaped siya na ang labas ay lasang barquiron at ang gitna ay parang bibingka. At sinamahan ito ng tsaa na may luya (weird talaga sila no?). Ang lahat-lahat ay umabot ng 100php. Medyo nabitin ako kaya bumili ako ng fruit cake slice. At tumuloy na ang aming journey.
Sa puntong ito may mga eco-hotel na gustong daanan si prasanna. Nais niya palang magtayo ng ganito. Villa style siya ngunit walang tv, walang sports courts. Konting mga cottages lang na gawa sa clay. Ang punto ng isang eco-hotel ay para mag-commune with nature and with your loved one. Di pwede ang maiingay na activities gaya ng sports. Tahimik na pamumuhay. May mga activities din gaya ng clay making para feel mo villager ka. Maganda ang concept pero di ko siguro makakaya ang tumira ng matagal sa ganung lugar.
Anyway, after the slight detour, tuloy na naman kami. May napansin si prasanna na bagong juice shop (Juiceez) na subsidized ng government kaya nag-stopover na naman kami. Fresh juices and yoghurt/curd ang ginagawa dun. Umorder ako ng watermelon at sila ay pumili ng lime. Sinamahan ito ng fresh yoghurt. Ang pagkakaiba raw ng curd sa yoghurt ay pinatamis ang yoghurt. Totoo kaya? Ayos na pwesto kasi kasama ng drink mo ay may plastic mat na nagsasabi sa medicinal value ng iniinom mo. Pinulot ko yung ibang mats na iniwan ng mga tao. Ang galing pala ng mango: “Rich source of carotenic and ascorbic acid. Useful in night blindness; possesses laxative diuretic and invigorative properties…” Wala palang kwenta ang iniinom kong watermelon: “Quenches thirst when eaten as fresh fruit.” =(
Nakarating kami malapit sa The Rock ng mga 1030am. Pero may mga sagabal pa rin sa aming pag-akyat. Dahil kasama siya sa World Heritaga List, kelangan magbayad ng entrance fee. May nakasulat sa harap ng ticket house in Singhala na 20 at 10. Siguro bente (10php) pangmatanda at diyes (5php) ang pangbata. Prices for locals pala yun sa gilid ng ticket house nakasulat ang para sa amin – tumataginting na 20USD (2000 rupees). Hwatta! 100x increase. Ang kasama sa ticket ay ang stub na nagsisilbi ring isang postcard. Magulo ang setup dahil ang layo ng ticket house sa entrance area ng site, dagdag na 15-minute ride.
Dala ang aming 20 dollar postcard, pinayagan na kaming pumasok sa entrance ng Sigiriya. Makulay ang kwento kung bakit ginawa ang Sigiriya. Nais ni Prince Kasyapa na makuha ang kaharian sa kanyang daddy, pero ito ay ibibigay sa kapatid niyang si Prince Mogallana. Mahirap tagalugin kaya ang ginawa niya ay “he walled up alive his father” habang wala ang kanyang kapatid. At tumakas siya patungo sa isang rock fortress na naging Sigiriya. Mautak si Kasyapa sa pagpili ng lugar. Ang kanyang bagong palasyo ay nasa malaking bloke ng lupa sa gitna ng kagubatan ngunit nakikita lang ito sa konting piling daan. Kaya nakikita niya kaagad ang kanyang mga kalaban habang malaki ang posibilidad na maligaw ang mga ito ng di man lang matatanaw ang kanyang palasyo. Pero mas mautak naman ang kanyang kapatid – nagdala ito ng libu-libong sundalo at sumugod sa kanyang lugar. Natakot ang hari, at sinabing tumalon ito galing sa taas ng kanyang palasyo.
Kung tutuusin, hindi ang palasyo kundi ang grounds niya ang malaki. Kung may harem ka nga naman ng limandaang babae, kailangan mo talaga ng malaking lupain. Maraming gardens, fountains at pools ang nakapalibot sa baba ng malaking bato. Pero bago pa man makaabot dun, marami pang dadaanang pagsubok ang sinumang gustong lumusob dito.
Ang Sigiriya ay tinawag na rock fortress o citadel. Ang first line of defense nito ay moat na punung puno ng buwaya. Hanggang ngayon ay meron pa rin (pero konti na lang), kaya maraming signs na nagsasabi huwag lumangoy. Kahit naman walang sign e ang may topak lang ang lalangoy dun – maputik at mabato ang moat.
Nakalagpas kami sa first line of defense gamit ang mga tulay na gawa ng bato, ngunit may susunod na pagsubok para sa amin – ang tourist traps. Dahil ten pesos nga lang ang entrance para sa mga locals, marami ang pumupunta upang magtinda ng kung anu-anong abubot. Ang dumaan dun ay parang natransport ka sa Virra Mall (“dvd boss…gusto niyo x?”). “Open this, it’s a sacred box…;Postcards here…;No business today, for you only 700 rupees…” Grabe, madrama rin ang mga vendors nila. Tumuloy lang kami. Buti kasama si prasanna para may kumausap sa kanila.
Marami ring iba’t ibang hayop sa loob ng area. Aside sa mga buwaya, may nakita kaming mga chameleon at mga monitor lizards. May mga hornet’s nests din kaya di pwede ang mag-ingay. May elepante rin daw dati pero wala na ngayon. Tsk tsk, sayang ang photo op.
Ginawa ni king ang grounds niya by levels na parang rice terraces. Parang kada-sampung steps ay nasa bagong level ka na naman. Talagang nakakapagod ang maglakad sa kanyang kaharian. Pero magandang exercise na rin para sa amin na buong araw nasa opisina. At sa wakas nakaabot na kami sa base ng rock. 200 meters ang taas ng bato at mabuti na lang na may series of ladders and steps para makaabot sa tuktok. Along the way, nakita namin ang isang pader na puno ng drawings ng mga babae – baka mga concubines niya. At may tinatawag silang mirror wall, kung saan may nagsulat ng mga poems ang king. Sayang ang di naprotektahan ang mga ito. Ngayon, puno ito ng mga scribble ng mga pangalan ng kung sinu-sino.
Pwedeng hatiin ang bato sa dalawa – ang first level (mirror wall, paintings, assorted pools, fountains, etc). Ang pangalawa ang tuktok kung saan ang throne room at reception area. Matapos ang first level ang steps patungo sa tuktok ay binabantayan ng lion’s paw, ang paa ng lion naka-carve sa bato at sa gitna nito ang steps paakyat. A king guarding a king.
May mga ilang levels pa rin bago maabot ang throne room sa tuktok. Sa laki ng nasa baba, nakakagulat na maliit lang ang pinakatuktok niya. Kalaki siguro ng ground floor opis ng SA Manila. Pero sa taas na ito, makikita mo ang sakop ng kanyang lupain. Ang kagubatan, malaking statue ni buddha, lakes - lahat ng ito ay kitang-kita sa taas ng bato. Feel mo na nasa tabi mo si King Mufasa na nagsu-survey ng kanyang kaharian. Pag nasa tuktok ka na, talagang masasabi mong masarap pa lang maging hari. =D