Tuesday, December 06, 2005

sigiriya (pt 2)

Maraming bisita ang Sigiriya. May grupo na pinamumunuan ng isang Buddhist monk. May mga mag-syota na hawak-kamay na umaakyat sa matarik na hagdanan. May pamilya na, kasama ang lolo at lola, ay mabagal na naglalakad patungo sa tuktok. At ang mga usual na turista – Brits, Japanese at Germans. Plus 1 Filipino and 1 Thai.

Nakarating kami sa tuktok mga 1230 ng tanghali. Konting pahinga lang at ikot sa mga natitirang levels ang aming kinaya dahil walang lilim sa itaas. At nagsimula na rin ang aming pagbaba. Isa lang ang daan patungo sa tuktok – para siguro mabantayan at mapreserve ang ibang parte ng bato na hindi pa na-iimbestigahan. Naabot na ang paa ng leon ng nakakita kami ng isang unggoy na naghaharang sa hagdan. Sa area na ito, isang set ng iron steps pataas at pababa ang gagamitin upang makaabot sa level 1 ng bato. Minalas lang na ang kaharap ng tsonggo ay isang dosenang babae nakahilera. Takot silang umakyat at di naman din gumalaw ang unggoy. Ang unang kumurap talo.

Tatagal pa siguro ang stand-off kaya tinakot na namin ang unggoy. Buti naman at umalis na siya. Umakyat na ang mga babae at nakababa na rin kami. Habang pababa, sinabi ni prasanna ang isang trick ng arkitekto ng palasyo. Ang tuktok ay nasa isang plane na mas malapad sa lower area ng bato. Kaya tuwing umuulan, ang tubig na galing sa itaas ay diretso sa lupa at di tumutulo sa bato na magpapabilis ng erosion. Diri-diretso na ang aming pagbaba hanggang sa parking area. Umabot ng dalawa’t kalahating oras ang aming stay sa bato. Marami pa ang lugar na di namin nadaanan. Sa susunod na lang.

Dahil nasa area na rin kami, naisipan naming pumunta sa isa pang site – ang Golden Temple of Dambulla. Ito ay grupo ng limang kweba kung saan nakalagay ang iba’t ibang mga statues ni Buddha at ibang Hindu gods. Ang mga kweba ay nasa isang bundok kaya lalakarin pa. Pero ng tanungin ni prasanna kung gaano katagal ang paglalakad, aabot daw ito ng 1-2 hours kasama ang pabalik. Lagpas alas-dos na ng nakarating kami sa temple kaya postponed din ang trip na ito. Gagabihin na kami ng pagdating sa Colombo kung itutuloy namin ito.

Di pa kami nakakakain kaya naghanap kami ng lugar. Maraming hotels at restaurants sa tabi ng daan at nakapili kami ng isa. Nauna si prasanna upang magtanong at ang sabi niya ay buffet. Pwede na sana kaso may sabit – rice and curry buffet pala yun. Gusto nila kaya sumasama na rin ako.

Tatlong klase ng curry ang pagpipilian – chicken, fish at mango. Lahat sila ay di ko nagustuhan. Nakakain lang ako ng dalawang maliit na paa ng manok at konting kanin. Nag-order na rin ako ng dalawang Elephant ice cream na lasang Selecta. Nasiyahan naman sila sa pagkain dahil mura lang – 75php at unlimited pa. Matapos ang bill ay umalis na kami pabalik sa Colombo. Medyo nanghina ako sa kakalakad at di ito natulungan ng lunch ko. Bigla kong naalala yung fruit cake slice kong binili ng umaga. Yehey!

Maraming loko-lokong driver dito sa Sri Lanka. Maliit lang kasi ang kotse ni prasanna kaya pilitin man naming bilisan, di makakaya ng 900cc engine niya. Sa labas ng siyudad, nagiging art form ang overtaking nila sa daan na madalas dalawang lane lamang. May time na nakaabot kami sa isang maikling tulay at may malaking bus 50 meters ahead na nagpipilit mag-overtake, at pumunta sa lane namin. Wala na siyang lugar para mag-overtake. First (and hopefully last) time kong makakita ng isang bus na nagdrift. Nagswerve siya pabalik sa kanyang lane at naiwan ang likod ng bus. Nagcompensate naman kaya di kami nagkasalubong. May ilang beses rin na nakakita kami sa dalawang konduktor ng bus na naka-sabit lang sa pintuan habang nag-oovertake ng kahit ano – bisikleta, kotse, truck o bus. Yan ata ang tinatawag na testicular fortitude. Ito rin ang dahilan kung bakit maraming pulis ang nagbabantay sa daan upang hulihin ang mga lumalabag sa traffic law, kahit linggo.

One time, nagtry din si prasanna na mag-overtake pero nabitin kasi kaya di na niya tinuloy. Malas lang na ginawa namin ito sa harap ng outpost ng pulis. Kinausap ni prasanna at bumalik siya ng walang lisensya. Ayon sa SL traffic rules, kapag broken lines ang nasa daan (- - -), pwedeng pumunta sa other lane. Kapag dalawang straight lines (====), di pwedeng umovertake. At kapag isang straight line (___), pwedeng umovertake pero dapat bumalik kaagad sa sariling lane. Nasa gitna pala kami ng daan na may straight line kaya kami pinahinto. Mura lang naman ang fine (500 rupees), ang hassle lang ang pagkuha ng lisensya matapos ang ilang linggo.

Tumuloy ang aming paglalakbay (ng mas mabagal at mas ingat. he he). Dahil mas mabagal na ang aming takbo, mas marami kaming nakita. Napansin ni Wikrom na sa isang lugar ang mga tindera ng prutas sa tabi ng daan ay may make-up at magagara ang damit. Sa isang lugar naman, di ganun kaganda ang presentation.

Madilim na madilim na ng alas-sais ng gabi at nagsisimula ng umulan. Nakatatlong junction siguro kami, at ang una naming liko ay mali. Di bukas ang mga streetlights kaya dagdag na hirap maghanap ng tamang daan. Pero sa wakas ay nakaabot din kami sa lugar nina prasanna. Dumaan muna kami roon upang mag-dinner ng boiled vegetables at itlog. Okey pala ang ganung dinner – nakakabusog at masustansya pa. Matapos ang dinner, dinaan na kami ni prasanna sa bus stop at dumiretso na kami pabalik sa hotel. Nakarating kami sa bahay ng 8:30 pm – tamang-tama para manood ng Nine Months.

15 hours and 340 kilometers. Over a thousand steps with 6 buko juices, 1 curry buffet and 1 fruit cake slice. A history lesson, cultural lesson and driving lesson packed in one journey. Gaya ng sabi sa kanilang tourism website, only in Sri Lanka – a land like no other.

Various pictures:

upuan ni king

below is the lion's paw

i feel so small...
may malaking buddha sa malayo

may malaking buddha, mas malapit

king coconut

eco-hotel

casa prasanna

Monday, December 05, 2005

sigiriya (pt 1)

Malapit ng umuwi ang mga tao dito. Kaya kahapon, marami ang nagsipagbili ng mga pangregalo at nagshopping ng kung anu-ano. Para sa amin ni Wikrom at Prasanna, ito ang naging panahon upang maglakbay sa Sigiriya, the Rock Citadel.

Nagsimula ang araw namin ng alas-kwatro ng madaling araw. Ang plano ay magkikita na lang kami ni prasanna sa bus stop malapit sa kanila dahil ang lugar niya ang junction patungo sa Sigiriya. Malayo rin ang bahay niya – siguro Makati hanggang Cubao pero ang pamasahe sa bus ay 15 rupees (7.5php) lang. Ayos din ang bus – may mga pictures ni Buddha na pinapalibutan ng blinking lights. Ewan ko lang kung dahil malapit na ang pasko o ganun talaga yun. Naghintay kami ng halos 20 minutes sa bus stop bago nakita namin siya at dun nagsimula ang aming paglalakbay.

Ang orihinal na plano ay kasama sina Daniel at Chandra ngunit nagback-out ang dalawa. Kung natuloy yun, mag-arkila sana kami ng van. Dahil wala, sumakay kami sa kotse ni prasanna na parang sasakyan ni Mr Bean. Isang Nissan March na maliit pero komportable sa loob.

May nadaanan kaming temple kung saan lahat ng kotse ay humihinto at naghuhulog ng barya sa isang butas sa pader. Sabi ni prasanna, ito ay prayer to the gods for safe travel. Huminto rin kami at naglagay ng barya. Saka mayroon kaming nadaanang lugar na may maraming white flags. Ito raw ay simbolo na may namatay na tao. Sabi niya bka dahil sa mga wild elephants. Malapit din sa mga white flags ang isang Buddhist crematorium. Tradisyon nila na sunugin ang katawan ng namatay at ikalat ang abo sa ilog o sa lugar na paborito ng tao.

Totoo ang sabi ni prasanna na isang oras sa labas ng Colombo ay ibang tanawin na ang makikita. Marami kaming nadaanang palayan at dalawang forest reserve. Dun sa loob ng forest, huminto kami sa may nagtitinda ng buko at mais. May maliit ding shrine kung saan ang mga tao ay naglalagay ng mga dahon – ito naman ay para sa mga gods ng forest sa mga taong nais pumasok sa loob. Sa tabi ng daan, may mahabang vine na parang tali ni Tarzan na hinahawakan ng lalaki. Nung tinanong ko si prasanna, wala lang daw yun – siguro panglinis ng kamay matapos umihi. Ah!

Matapos ang dalawang oras ng paglalakbay, huminto kami sa lugar na may maraming roadside shops. Dito kami kumain ng almusal. Ang tipikal na almusal nila ay ang tinatawag na string hoppers na sotanghon na pinagsama upang maging bilog ang hugis. Nilalagyan nila ito ng kung anu-anong sahog gaya ng mais o isda. Mayroon din silang hoppers lang na pinainit na flour. Bowl-shaped siya na ang labas ay lasang barquiron at ang gitna ay parang bibingka. At sinamahan ito ng tsaa na may luya (weird talaga sila no?). Ang lahat-lahat ay umabot ng 100php. Medyo nabitin ako kaya bumili ako ng fruit cake slice. At tumuloy na ang aming journey.

Sa puntong ito may mga eco-hotel na gustong daanan si prasanna. Nais niya palang magtayo ng ganito. Villa style siya ngunit walang tv, walang sports courts. Konting mga cottages lang na gawa sa clay. Ang punto ng isang eco-hotel ay para mag-commune with nature and with your loved one. Di pwede ang maiingay na activities gaya ng sports. Tahimik na pamumuhay. May mga activities din gaya ng clay making para feel mo villager ka. Maganda ang concept pero di ko siguro makakaya ang tumira ng matagal sa ganung lugar.

Anyway, after the slight detour, tuloy na naman kami. May napansin si prasanna na bagong juice shop (Juiceez) na subsidized ng government kaya nag-stopover na naman kami. Fresh juices and yoghurt/curd ang ginagawa dun. Umorder ako ng watermelon at sila ay pumili ng lime. Sinamahan ito ng fresh yoghurt. Ang pagkakaiba raw ng curd sa yoghurt ay pinatamis ang yoghurt. Totoo kaya? Ayos na pwesto kasi kasama ng drink mo ay may plastic mat na nagsasabi sa medicinal value ng iniinom mo. Pinulot ko yung ibang mats na iniwan ng mga tao. Ang galing pala ng mango: “Rich source of carotenic and ascorbic acid. Useful in night blindness; possesses laxative diuretic and invigorative properties…” Wala palang kwenta ang iniinom kong watermelon: “Quenches thirst when eaten as fresh fruit.” =(

Nakarating kami malapit sa The Rock ng mga 1030am. Pero may mga sagabal pa rin sa aming pag-akyat. Dahil kasama siya sa World Heritaga List, kelangan magbayad ng entrance fee. May nakasulat sa harap ng ticket house in Singhala na 20 at 10. Siguro bente (10php) pangmatanda at diyes (5php) ang pangbata. Prices for locals pala yun sa gilid ng ticket house nakasulat ang para sa amin – tumataginting na 20USD (2000 rupees). Hwatta! 100x increase. Ang kasama sa ticket ay ang stub na nagsisilbi ring isang postcard. Magulo ang setup dahil ang layo ng ticket house sa entrance area ng site, dagdag na 15-minute ride.

Dala ang aming 20 dollar postcard, pinayagan na kaming pumasok sa entrance ng Sigiriya. Makulay ang kwento kung bakit ginawa ang Sigiriya. Nais ni Prince Kasyapa na makuha ang kaharian sa kanyang daddy, pero ito ay ibibigay sa kapatid niyang si Prince Mogallana. Mahirap tagalugin kaya ang ginawa niya ay “he walled up alive his father” habang wala ang kanyang kapatid. At tumakas siya patungo sa isang rock fortress na naging Sigiriya. Mautak si Kasyapa sa pagpili ng lugar. Ang kanyang bagong palasyo ay nasa malaking bloke ng lupa sa gitna ng kagubatan ngunit nakikita lang ito sa konting piling daan. Kaya nakikita niya kaagad ang kanyang mga kalaban habang malaki ang posibilidad na maligaw ang mga ito ng di man lang matatanaw ang kanyang palasyo. Pero mas mautak naman ang kanyang kapatid – nagdala ito ng libu-libong sundalo at sumugod sa kanyang lugar. Natakot ang hari, at sinabing tumalon ito galing sa taas ng kanyang palasyo.

Kung tutuusin, hindi ang palasyo kundi ang grounds niya ang malaki. Kung may harem ka nga naman ng limandaang babae, kailangan mo talaga ng malaking lupain. Maraming gardens, fountains at pools ang nakapalibot sa baba ng malaking bato. Pero bago pa man makaabot dun, marami pang dadaanang pagsubok ang sinumang gustong lumusob dito.

Ang Sigiriya ay tinawag na rock fortress o citadel. Ang first line of defense nito ay moat na punung puno ng buwaya. Hanggang ngayon ay meron pa rin (pero konti na lang), kaya maraming signs na nagsasabi huwag lumangoy. Kahit naman walang sign e ang may topak lang ang lalangoy dun – maputik at mabato ang moat.

Nakalagpas kami sa first line of defense gamit ang mga tulay na gawa ng bato, ngunit may susunod na pagsubok para sa amin – ang tourist traps. Dahil ten pesos nga lang ang entrance para sa mga locals, marami ang pumupunta upang magtinda ng kung anu-anong abubot. Ang dumaan dun ay parang natransport ka sa Virra Mall (“dvd boss…gusto niyo x?”). “Open this, it’s a sacred box…;Postcards here…;No business today, for you only 700 rupees…” Grabe, madrama rin ang mga vendors nila. Tumuloy lang kami. Buti kasama si prasanna para may kumausap sa kanila.

Marami ring iba’t ibang hayop sa loob ng area. Aside sa mga buwaya, may nakita kaming mga chameleon at mga monitor lizards. May mga hornet’s nests din kaya di pwede ang mag-ingay. May elepante rin daw dati pero wala na ngayon. Tsk tsk, sayang ang photo op.


Ginawa ni king ang grounds niya by levels na parang rice terraces. Parang kada-sampung steps ay nasa bagong level ka na naman. Talagang nakakapagod ang maglakad sa kanyang kaharian. Pero magandang exercise na rin para sa amin na buong araw nasa opisina. At sa wakas nakaabot na kami sa base ng rock. 200 meters ang taas ng bato at mabuti na lang na may series of ladders and steps para makaabot sa tuktok. Along the way, nakita namin ang isang pader na puno ng drawings ng mga babae – baka mga concubines niya. At may tinatawag silang mirror wall, kung saan may nagsulat ng mga poems ang king. Sayang ang di naprotektahan ang mga ito. Ngayon, puno ito ng mga scribble ng mga pangalan ng kung sinu-sino.


Pwedeng hatiin ang bato sa dalawa – ang first level (mirror wall, paintings, assorted pools, fountains, etc). Ang pangalawa ang tuktok kung saan ang throne room at reception area. Matapos ang first level ang steps patungo sa tuktok ay binabantayan ng lion’s paw, ang paa ng lion naka-carve sa bato at sa gitna nito ang steps paakyat. A king guarding a king.


May mga ilang levels pa rin bago maabot ang throne room sa tuktok. Sa laki ng nasa baba, nakakagulat na maliit lang ang pinakatuktok niya. Kalaki siguro ng ground floor opis ng SA Manila. Pero sa taas na ito, makikita mo ang sakop ng kanyang lupain. Ang kagubatan, malaking statue ni buddha, lakes - lahat ng ito ay kitang-kita sa taas ng bato. Feel mo na nasa tabi mo si King Mufasa na nagsu-survey ng kanyang kaharian. Pag nasa tuktok ka na, talagang masasabi mong masarap pa lang maging hari. =D

Wednesday, August 24, 2005

home

Sa wakas, makakauwi na rin kami. Medyo biglaan nga. Narinig lang namin na uuwi na kaso walang binigay na eksaktong petsa. Nung martes lang sinabi na aalis talaga ngayong linggo. Kahapon lang na-confirm na ang alis ko (kasama si mommy suzie) ay mamaya. Ang saya-saya.

Pero sa totoo lang, di naman ako gaano sumaya nung nalaman ang pag-uwi. Hindi pa nag-sink-in ang feeling na talagang makakabalik na sa Manila. Kahit ngayon, habang sinusulat ko tong blog, wala pa rin. Siguro pag nasa-eroplano na kami, saka ko pa lang mararamdaman na hindi ito isang panag-inip.

Maraming pinapaayos at ginagawa kaya di na ako nag-update ng blog. Kaya mag-recap na lang ako:

bowling

Sumali kami sa All-Pilipino bowling tournament. Nag-meeting pa kasi ang mga mommies kaya ang kids (Gerard, Ian, Libay) ang naging representative. Team Wala Lang kami. Pero di sa wala lang ang paglaro namin. Yung unang dalawang round ay para maayos ang bracket kung gaano ka-galing (o ka-malas) ang mga teams. Ang third round ang naka-bracket na. May trophy ang kada-tao sa team na mananalo. Magandang ilagay sa corner yung bowling trophy – maliit, kumikinang, pinaghirapan. Kaya Ganado kaming maglaro, kahit na di nag-praktis.

Sa unang dalawang round ang pangit ng laro namin kaya nalagay kami sa bracket C – ang Needs Improvement bracket. Pero humirit din sa final round – nakuha namin ang pinakamataas na team score (kung napapansin niyo, di ko nilalagay ang mga scores namin. sa totoo lang, mababa yung mga nakuha namin – lumulutang sa 100. hehehe).

Akala namin nanalo na kami. May nag-congratulate na nga e. Dahil ang bracket C ang pinaka-una sa lanes, hinintay namin matapos ang ibang brackets. Natapos din ang lahat ng laro kaso pinahintay na naman kami ng halos dalawang oras. Nahirapan silang magcompute ng scores. “World-record” daw ang attendance, 31 3-person teams ang nakilahok sa tournament.

Matapos ang lahat, talo pa rin kami. Kahit pinaka-mataas kami sa final round, di namin kaagad nalaman na ina-average pala ang lahat ng rounds. Handang-handa pa naman kami sa acceptance speech. Sa susunod na lang.

pag-alis

Halos tatlong buwan na pala kami rito sa Sri Lanka. Mahirap isipin na ganun na kami katagal. Sa pagdating, excited ang lahat. Sa pag-alis, nagpapasalamat ang lahat (sa Diyos).

May mga nabago rin sa amin. Kung sa Manila ang weekends ay para manood ng sine o kumain sa labas, dito masaya na kami na nakakapanood ng Desperate Housewives at makita kung sino ang iinterbuyihin ni Oprah ngayong linggo. Dito ko rin nalaman na mapalad tayo na mabilis ang internet sa opisina – sa totoong buhay di pala ganun lagi :p

May ma-miss din ako sa pag-uwi. Yung ngiti ni manong janitor na natututong mag-English (kami ang ilan sa mga test subjects niya) na kahit di namin naiintindihan minsan ang salita, naiintindihan namin na nandirito siya. Mamiss ko rin ang paglalakad sa lake, na kahit maraming tae ng uwak, nakakapag-munimuni ako tungkol sa mga nagawa at dapat gawin. Mamiss ko rin ang mga taga-bangko, na kahit makulit kung minsan alam kong ito’y dahil mahal nila ang sistema na aming ginagawa. At kahit na rin sina ama at tito, talagang makulit pero alam mo namang may mapupulot ka ring aral kahit papaano.

Ang di ko lang mami-miss ang mahabang buhok ko. Mainit e. Mahal kasing magpagupit dito. Kaya sa pagbalik sa Manila, magpapagupit na ako.

Monday, August 01, 2005

extended

Na-extend na naman kami for the nth time. Di sa ayaw ng bank – in fact mahal na mahal nila yung system kaya pinipiga nila talaga. Masyado lang OC sila na dapat lahat ng mga issues ma-resolve na. Medyo mahirap ata gawin yon. Kaya buti na lang kinausap nina Catherine and Aravinth yung mga bosing kaya may matinong schedule na rin ang pagbalik namin. Sa katapusan ng Agosto(?) na raw. Malamang di na yon ma-extend pa ulit. Kundi maglalagay na ng presyo sa ulo ko ang dost =(

Dahil nandito si Catherine, nilibre niya kami sa isang Sri Lankan restaurant sa hotel niya. Kasama rin namin ang mga users, para mag-bonding daw (as if di na sapat ang dalawang buwang pagsasama namin. hehe). Outdoor restaurant ang Curry Leaves na may kasamang acoustic band na kumakanta ng kahit ano – Sri Lankan, Beatlesque, Bob Marley. Habang kumakain kami, may narinig kaming masayang tugtugin sa daan. May kinakasal pala - tradisyon nila na iparada ang bagong kasal sa siyudad kasama ng malakas na tugtugin. Mahalaga ang komunidad sa kultura ng Sri Lanka kaya ganito ang nakasanayan nila. Sa pag-alis namin mga ala-una ng umaga, nakita pa namin ang bagong kasal paalis ng hotel. Nag-reception pala sila sa ballroom. Nagtaka lang din ako bakit sila yung huling umuwi. Sa mga movies sila yung nauuna, nakasakay sa isang magandang kotse na may lata sa likod. Dito, sumakay ang dalawa sa lumang pulang auto. Pagod? Masaya? Siguro lahat ng iyon ang nadama nila matapos ang lahat ng kanilang pinag-daanan upang makaabot sa puntong ito.

Nung Sabado, naisipan na magbowling kami sa Arena. Mga 20 minutes lang ang layo galing sa hotel kaya nilakad namin. Napadaan kami sa mga tindahan para sa damit pambata, Kidz. Mahirap maka-relate sa mga mommies habang kinakalikot nila ang mga bilihin. Halos pambabae laht ng mga paninda kaya sa tabi na lang kami ni Gerard. Pero nakakaaliw yung store – maraming gown (para sa mga sasali sa Little Ms. Philippines), at may makikintab na skirt (sa mga babies na may nightlife).

Matapos sa Kidz, tumawid kami para pumunta sa isa pang gusali. Nalito na naman kami sa right-hand driving (Tawid na tayo, malayo pa naman. | Teka, sa other side yan. Bilis!!!). At nahulugan ng tae ng mga uwak si She-Who-Must-Not-Be-Named. May nabasa ako na swerte raw ang ganun. Pero tinanggal niya kaagad. Sayang, di ko na malalaman kung totoo nga yun.

Nakaabot din kami sa Arena, kung saan nakakita kami ng ibang Pinoy. Sa susunod na Linggo, may All-Pilipino bowling tournament pala. Kaya nag-eensayo na ang mga kababayan natin. Inimbita nila kaming sumali, may libreng lunch daw at premyo sa mga mananalo. Di ko alam kung ano ang plano ng grupo.

Matapos ang dalawang buwan, nandito pa rin kami. Pagod, masaya, nalulungkot, nananabik. Go live? Medyo malayo pa yun. Go bowling na lang muna.

---

side note: di ganun kataas ang nakuha naming score sa bowling. mukhang kailangan kaming paulanan ng bird droppings kung sasali man kami sa tournament.

try namin magpost ng pictures within the week

Friday, July 15, 2005

greetings from colombo



mukha naman kaming masaya di ba? :p

Sunday, July 10, 2005

field trip

Nung Sabado nagplano ang pamilyang pumunta sa Deli-Mart. Sabi ng taga-bank masarap daw dun at maraming pag-pipilian. “Deli-Mart?” Hmm…para kayang Market-Market to?, inisip ko. Pagpunta namin kahapon, isang food court lang pala siya. Marami choices – oriental, italian, indian , salad bar, dessert shop, oriental, italian, indian…

Parang sa Eats siya kung saan bibigyan ka ng swipe card para sa mga bibilhin mo at magbabayad sa paglabas. Yung iba nag-salad bar. May nag pasta. Di ko alam kung bakit naisipan kong bilhin yung fish and curry in rice. Unang tikim ko pa lang, suko na ako. May amoy siyang di ko makaya. Maihahalintulad (naks) siya sa amoy ng kanin na niluto ni Gerard dati. Okey ang rice kaso ang may amoy yung sauce ng isda. Binayaran ko na kaya konting tiis (…konting ulam na lang. yey!). Bumili na lang ako ng dessert para makalimutan ang lahat.

Nasa World Trade Centre pala ang Deli-Mart. May nag-shooting pa nga ng music video sa labas. Pag-daan sa set, nahinto ang take nila dahil lahat ng tao tumingin sa amin. Our fifteen minutes of fame.

Paglabas ng Centre ay nasa sea-side na. Naisipan naming maglakad papuntang Crescat (isang mini-mall). Lover’s lane ata yung dinadaanan naming beachfront. Kada limang metro may makikita ka na namang mag-siyotang nakatago sa payong (mahangin kasi e). At dahil mahangin, nag-fog ang glasses ko. Nasa lumang parte kami ng lungsod kaya parang natransport kami sa ibang panahon (temporary “sepia”-tinted glasses enhanced the effect – yung kulay kapareho ng kapag kinakalaban na ni Shaider yung boss sa ibang dimension overlooking sa mga bundok). Kung saan mala-Beach Boys ang tugtugin. Kung saan maraming nagtitinda ng ice cream. Kung saan ang mga lalaki ay naka-polo at mga babae ay nakapalda.

Nadaanan namin ang lumang parliament house nila, ang pinakaunang hotel (since 1864) sa Colombo at mga riles na mukhang gawa pa ng mga Ingles. Ilang minuto pang lakad at ang panahon ay bumalik sa ngayon. Malalaking gusali, busina ng kotse, modernong pananamit.

---

Masarap ang chicken shawarma nila rito. Perfect blend of marinated chicken, french fries and vegetables, with garlic sauce. Sa wakas, may food na nasiyahan ako. Sa mga may-ari ng Dine-mor, maraming salamat po. =p

Monday, July 04, 2005

series of unfortunate events

Natapos din ang lucky streak ko sa paglalaba. Nung linggo, nagkamali akong ihalo ang isang pulang t-shirt kasama ng mga itim na damit at yung paborito kong polo shirt. Okey na sana kaso naiisipan kong maglagay ng fabric softener for the first time. Di ko naisip na sa pagpasok ko sa aking mga labada, isang pagpapaalam na pala yon.

Di maganda ang pagkaka-dye sa red kong t-shirt kaya pagkuha ko sa mga labada pula lang ang nakikita ko. Yung polo shirt kong white and blue, ngayon pink and blue. Mga gray-colored kong socks gay-colored na. =(

Una ang pagkagulat, sumunod ang pagtanggap. Medyo matagal ko ring pinag-isipan kung bakit nagkaganun ang mga damit ko. Pero natawa na lang din – ito’y isang karanasan na sana’y hindi maulit.

Dahil sa mga pangyayari, napilitan akong bumili ng damit. Isa sa pinaka-ayaw kong gawin ay ang magshopping para sa damit. Di kasi ako mapili sa mga damit kaya madalas nagkakaproblema ako (ebidensiya na ang pulang t-shirt). Kapag computers siguro or electronics talagang pinag-iisipan ko (tingin sa mga reviews, magcanvas ng presyo, makipag-negotiate, atbp.). Sa mga damit, isa lang ang iniisip ko – basta kasya okey.

Sumama ako kina maam tess and miss cristine sa House of Fashion. At house of fashion nga talaga siya. Yung mga signs nila parang galing sa FTV: Lingerie, Winter Wear, at siyempre yung pang Homme.

Di homme-friendly ang store. Four stories siya na building at ang panglalaki ay nasa kalahati ng isang floor, katabi ang mga bagahe at women’s shoes and bags. Pero nakakaaliw dahil mura lang ang bilihin. Nakabili ako ng isang polo shirt, shorts at t-shirt sa halagang 400+ php. Makakabili ka ng long sleeves gaya ng Arrow at mga frenchie-sounding brands na di lalagpas sa 500php.

Nais ko rin sanang bumili ng pantalon kaso wala akong makitang fitting room. Nagulat na lang ako ng nakita ko ang mga nasa tabi kong biglang naghubad (fyi, lalaki sila at naka-shorts) at sinuot ang mga tindang jeans. May mga babaeng sinusuot ang mga blouse (over their shirts, siyempre) habang nagpo-pose sa salamin. Naiisip ko na lang papaano ang mga underwear na tinda nila kasi pwede mong ipagpalit ang mga bilihin. Buti na lang may sign: Due to hygienic purposes, we do not accept used underwear.

---

Naisipan ko ring magluto nung isang araw (pagluluto na rin ang pagpiprito di ba?). Ang sarap pa naman ng nakapicture sa box ng binili kong frozen chicken kieves. Nadisappoint ako dahil di lasang chicken ang chicken, pati na rin ang cheese filling na parang di keso. Inisip ko baka dahil masyadong passionate ang pagsunod ko sa instructions na fry until golden brown (naging deep brown siya) kaya pangit ang resulta. Yung sobrang pagprito ko pala ang magliligtas sa akin sa bingit ng malalang stomach ache. Kinabukasan nalaman kong expired na pala siya ng isang linggo. May mabaho kasi kaming naamoy sa kusina. Hinahanap ni Gerard at nalaman niyang ito ay dahil sa mga “fresh” (fresh as of two weeks ago) farm eggs na di namin naluto. Naisipan na rin niyang tignan ang binili niyang naka-freezer at nakita niya ang mga nag-expire na mga goods. Tinignan ko na rin ang chicken kieves ko at ganun din siya. Buti na lang medyo malakas ang bituka ko. Laking yakult kasi.

Lessons for the week:

1) Huwag ipaghalo ang mga puti sa de-kolor (at i-segregate kahit ang mga de-kolor) para di mag-shopping ng bagong damit.

2) Tignan mabuti ang expiry date ng mga bibilhin at kainin ang mga ito bago ang takdang petsa

3) Magdasal lagi dahil hindi mo alam kung kailan ka mamalasin at mangyayari si #1 at #2.

---

now showing:

Saturday, June 25, 2005

trip to kandy (part one)

Red letter day ang June 19 para sa amin. Ang pinaplanong trip papuntang Kandy ay matutuloy na. Alas-singko ng umaga ay gising na kami, naghahanda dahil ang van ay aalis ng alas-sais. Inaayos ng bangko ang transportation namin kaya wala kaming masyadong gastos para dun.

Umabot ng tatlong oras ang biyahe patungong Kandy. Sa tatlong oras na yon, napakinggan namin ang mga kanta ni Bryan Adams ng paulit-ulit. Paborito siguro ni manong drayber. Parang ganyan talaga kung may biyahe patungong probinsya – may isang tape/cd na pinapatugtog ng drayber, madalas love songs. Yun ngang umuwi ako sa probinsya ng parents ko, ang pinatugtog ay ang buong catalog ng Michael Learns to Rock. Magkakaroon siguro ako ng matinding last song syndrome sa mga susunod na araw. =(

Ang unang stop namin ay sa elephant orphanage. Medyo maaga pa kami kaya pumunta muna sa isang malapit na spice garden. Akala ko talaga yung spice garden talagang garden – yung tipong isang malaking field na punung-puno ng spices (n. panahog; panlasa; panimpla; rikado). Yun pala, isang siyang maliit na lugar kung saan tinanim nila yung iba’t ibang klase. At umuulan pa nun. Medyo nakaka-disappoint.

Nilibot kami nung guide sa garden. Habang ine-explain niya yung mga iba’t ibang halaman, may kasamang special effects. Kapag nakaka-cure ng bronchitis siya’y uuubo. Kapag nakaka-cure ng parkinson’s, sabay nanginginig. At nagdemo pa siya sa ibang products nila. Ang galing nga nung isang gamot – pantanggal ng buhok. Pinahid niya yung cream sa kamay ni Gerard at maghintay daw ng limang minuto. Epektib nga – pagkatapos ng limang minuto natanggal yung buhok na pinahiran gamit ang tissue. May parte ng demo na minasahe yung likod namin gamit ang isa pang cream. Wala akong naramdaman sa cream pero masarap yung masahe kaya okey lang.

Siyempre sa pagtatapos ng tour dinala kami sa tindahan. Talagang pinaghahandaan nila. Pagpasok pa lang namin nagsindi sila ng insenso at nagpatugtog ng mga Indian chants. Para ganado siguro ang mga taong bumili. Nakita namin yung mga tinda nila gaya ng pampapayat (Guide: “You will lose four kilos”. Libay: “…but it says here four pounds.” Guide: “Ok, four pounds”), pantanggal ng buhok (“Apply for seven days, no hair for seven years”) at kamayogi paste (“Viagra has some chemicals. Not good…”).

Matapos ang spice garden, pumunta na kami sa elephant orphanage. Tamang-tama ang pasok namin kasi magsisimula na ang feeding time. Ang rami-rami nila – umaabot sa singkwenta na elepante. Pero yung pumunta sa feeding station (isang covered court), mga walo lang. May isa pang feeding time paghapon kaya ibang ‘cast’ naman ang magshow mamaya. Pinapainom sila ng gatas sa mga malalaking bote. Yung iba umiikot-ikot sa station kaya may tsansang mahawakan sila. Pero di pwedeng umakyat sa kanila para magpapicture. Tsk tsk.

Ang baho pala ng elepante. Amoy ihi. Kaya siguro ang sumunod sa schedule ay ang washing. Lahat ng mga elepante pumunta sa ilog para maligo. Inunahan namin sila para makakuha ng magandang pwesto. Yung iba gumulong-gulong sa tubig. Yung iba naman gumulong-gulong sa lupa (kaya wala ring epekto ang ligo. hehe.) May mag-siyota na lumayo sa pulutong at nagtago sa damuhan. Pero may bumubuntot sa kanila kaya wala rin...

---

pahabol ukol sa "party"

pakibasa yung entry ni Gerard para sa "party" namin. nasabi na niya lahat ng dapat/pwedeng sabihin :p

may konting dagdag lang ako:

1) nakakainis dahil nasira nung bosing nila (aka Kataas-taasan) ang antipara ko. pina-gitara kasi ako at kinuha ba naman yung glasses ko. pagkatapos tumugtog, sira na yung frame. ngayon kung gusto ko siyang ma-straight, dapat i-tilt ko ulo ko. huhuhu. sana mareimburse. (actually luma na rin yung glasses ko, nagkataon lang siguro. sana.)

2) masayihing tao talaga ang mga vardhanians. at mararamdaman mo yung bonding nila. kahit yung mga bosing kumakanta at sumasayaw. yung tipong iniikutan ang gumigitara, may alak sa kamay at kumakanta. di ko ma-describe talaga in detail pero masaya. parang galing sa mga old movies.

3) may sense of humor din sila. dahil marami ngang bosing sa party, nagrequest yung iba ng isang kanta tungkol sa pagtaas ng sweldo. ewan ko lang kung epektib. itry kaya natin sa manila yan. hmmm...

4) ibang klase rin sila rito. inom muna bago kain. at malakas silang uminom (tsimis: nung nasa pilipinas nga raw, nag-iinuman sila halos gabi-gabi ata). nakakahiya naman sa kanila kaya napainom na rin ako ng isang beer, diluted ng tatlong sprite. matamis pala ang beer pag nalagyan mo ng tatlong sprite. pero di ko pa rin type. water/juice person ako e.

5) yung pagkain nasa ground floor pero yung mga tables nasa second floor. parang nag-eehersisyo ka para lang makakain. buti na lang ganun ang setup kasi wala palang cardio kickboxing the next day for the mommies.

Quote of the Night:

"Momsie!" - lasing na Mufasa tinatawag si mommy ophie
"Mahirap kumita ng kwarenta" - SA onsite team

Friday, June 17, 2005

updates

bonjour, bonjour

Maganda ata ang gising ng mga tao ngayon. Feeling namin si Belle kami ngayon habang dumadaan sa "town": Pagbaba pa lang sa ground floor marami nang nangangamusta. Nakausap namin ang attendant sa Pitsop, yung deli shop sa baba ng hotel. Akala nga niya Japanese o studyante pa kami. May mga kaibigan siyang pinoy kaya natuto na rin siya ng konti (mukhang ang unang tinuturo sa mga foreigners ay swear words or yung 'i love you'). Paglabas namin sa pila ng trishaw, may nagtanong na local kung taga-saan kami. Nung nalaman niyang noypi, kinamayan ako at nag-“Kumusta”.

Napagkamalan na kaming estudyante, Chinese, Japanese at Muslim. Talaga sigurong exotic tayo. Pwede kahit saan.

there’s no i in team

Last week, nagkaproblema yung end of day namin. Walang-wala na kami. Buti na lang nandun si ama. Talagang umupo siya at nag-input ng data sa TOAD. Dahil sa kanya, nakita kaagad ang problema at tumuloy ang processing ng walang sabit. Napaisip lang din ako sa mga nangyari. Kapag on-site parang lumalakas ang mga powers ng tao. Yung mga di mo dati nagagawa, napipilitang kang gawin kaya natututunan mo. Walang pasaway, lahat may importanteng parte sa sistema.

dalawang tulog na lang…

Hotel papuntang opisina. Kung may panahon dadaan ng grocery. Tapos uuwi sa hotel. Yun madalas ang aming lakad araw-araw. Sa wakas, nagkaroon na rin ng bagong pupuntahan. Pinaplano na ngayong Linggo pupunta kami sa Kandy at maglilibot. Makikita ko na rin ang elepante na dati ay isang panaginip lamang. Masasagot na rin ang katanungan na kung tino-toothbrush ang kaisa-isang ngipin ni Buddha. At ma-oobserbahan namin ang paggawa ng tsaa at mga spices.

Tuesday, June 14, 2005

iba't ibang kwento

Traveling kalan

Dalawang linggo na kami dito sa Sri Lanka. Sa panahon namin dito, naobserbahan na patuloy ang pagiging malinis at maayos ang siyudad. Di gaya ng ingay at dumi ng Maynila kung saan sigaw ng mga naiiritang pasahero ng dyip ang gigising sayo o usok ng tambutso ng mga bus ang malalanghap mo.

May sekreto pala ang mga sasakyan ng mga taga-rito. Nakausap ni Mommy Tess (aka Mommy2) si Prasanna, isang local na taga-SA. Mahal din kasi ang gasolina, umaabot ng php35 kada litro. May “converter” sila para ang sasakyan ay pwedeng gumamit ng gasolina/diesel o lpg. Talagang pampamilya ang lpg, di lang sa pagluto pati na rin sa pagbibiyahe. Yun nga lang, parang nakakatakot isipin na ang sinasakyan mo ay isang traveling kalan. Sabi naman ni Prasanna wala pa raw aksidente ang mga sasakyang gumagamit ng lpg. Di mo nga lang din alam kung paano malalaman ang kaibhan ng mga sasakyan ngayon. Nakakahiya namang tanungin sa drayber ng trishaw na “gas or lpg?”. Baka nakasakay na pala kami sa ganun. =)

Friday is for fasting

Mga 8pm na ng Friday at nasa opis pa rin kami. Handa kami sa isa na namang mahabang gabi nang biglang sinabi ng bosing ng bank na mag-packup na raw. Siyempre, unang reaksyon namin ay ang pagkamangha (o, bat ang aga niyong uuwi ngayon? – sa mga hindi pa rin nakakaalam, passionate talaga ang mga vardhanians. hehehe.). Matapos ang initial shock, napangiti rin kami. Lahat ng problema ay biglang naglaho. Parang sumikat ulit ang araw. Pwede na ulit kaming kumain sa KFC or diyan sa tabi-tabi na restaurant. :p

May nagpoprotesta raw malapit sa aming hotel, kaya inagahan ang pag-uwi. Tama nga naman – ayokong matulog sa opisina. Dahil ayaw naming lumabas, kumain na lang kami sa loob ng hotel. Parang nagchildren’s party kami – ang mga mommies nag-order ng Singaporean noodles (classy). Kaming mga anak nag-order ng hamburger at spaghetti (kiddy). Kulang na lang ang laruan.

Nung Sabado, nalaman ko ang dahilan ng pagprotesta.

http://www.colombopage.com/archive/June10200707UN.html
http://news.yahoo.com/news?tmpl=story&u=/050610/481/col11106101518

Yung presidente kasi nila, hindi nagkonsulta ng nagplano siyang tumulong sa mga rebelde na naapektuhan ng tsunami. May isang lider nga na mag-“fast until death”. Buti naman hindi rin natuloy dahil makikipag-usap daw ulit ang presidente sa mga iba’t ibang grupo bago siya magdesisyon tungkol sa tsunami aid.

Pagkain

Pumasok kami ng Sabado, pero masaya naman kasi nagluto ang mga mommies. Lunch naming ay monggo at fried chicken. Wow! Hindi ko ini-expect na ganun kasarap ang maliliit na butil ng monggo. Kapag tinapay lang ang kinakain mo buong linggo, siguro naman kahit ano masarap na. (psst…bumili si Gerard ulit ng kanin. mukhang pangtao na ito.)

Masarap palang magbirthday on-site, lalo na kapag nasa isang hotel ka. Nung linggo ang bertdey ni maam libay. (Side note: kaya pala Liberty ang pangalan niya dahil independence day siya isinilang. so now you know… :p). May libre kang keyk galing sa hotel. Nung gabi, kumain kami sa kanila. Handa ay spaghetti, chicken at ice cream. Pwede na, pero parang bitin e.

Masarap pala ang marami kang mommies na kasama. (nakakailang sabi na ba ako ng “masarap” dito?). May marunong magluto (from years of experience) ng pagkaing hindi piniprito. May magbabantay sayo habang patuloy kang nagkakamali (ah! ganun pala ang ginagawa ng fm_std_process). Naisip ko rin ang sarili kong ina. Kaya tinawagan ko mama ko. Miss ko na rin sila. :p

Remember

Medyo makalimutin ako, lalo na kapag mga petsa. Bertdey nung kapatid ko last June 9 (or june10 ba? hmm…). Natawagan pa ako ng papa ko para batiin si Dan. Alam na niya siguro na makakalimutan ko. Kada Christmas, binibigyan ako ng sangkatutak na scheduler/planner pero tinatamad akong maglog ng mga dates o schedules. Buti dito madali lang masunod ang schedule:

7-8 am: Pagulong-gulong sa kama, hinihintay ang alarm
8:00 am: Alarm. (bahala na. may snooze pa naman)
8:05am: Gising
8:05-8:30am: Toothbrush, bihis, ligo (in no particular order)
8:30-9am: Manood ng TV, tumingin sa mga ibon sa labas, kumain ng biskwit. Alis.

---

bukas maraming pictures si Gerard for upload. Nire-resize pa kasi ang mga photos. Weird talaga ang net dito, lumagpas ng 100kb na file di na gumagana ang upload/attachment.

Thursday, June 09, 2005

tinapay > kanin

Tinapay

They say man cannot live by bread alone, pero panu kung ang bantot ng kanin? Bumili si Gerard ng rice, Samba ang pangalan. Normal na bigas sa unang tingin. Puti naman ang kanin pagkasaing. Ngunit sa unang pagbukas pa lang ng cover makakalanghap ka ng di kanais-nais na amoy. Di ata namin nabasa yung maliit na sulat sa pakete: “Not fit for human consumption.” (joke lang yon – walang ganung nakasulat. baka i-castrate ako ng mga locals pag mabasa nila to =(. Di lang talaga siya para sa ating panglasa – to each his own ika nga.). Nagtinapay na lang kami. Dahil walang kwenta ang kanin, di na kumpleto yung grand breakfast namin – hotdog and eggs. With ketchup. Tsk tsk.

Yes entrance

May malapit na grocery sa opisina, Arpico. Naaliw ako sa sign para palabas ng store, kasi “No Entrance”. Naisip ko lang baka “Yes Entrance” ang papasok. Siyempre disappointed ako nung “Entrance” lang ang nakalagay dun. Dapat consistent sila. Di siguro dumaan sa standards training. Hehe.

Dito sa Colombo, mahal ang keso (baka dahil sagrado ang baka rito?). Yung maliit na cheesewhiz size natin na tig-30 to 50 php, umaabot ng halos 200 rupees so isang daan sa atin. Nakakasawa naman kasi kung laging jam ang ilalagay sa tinapay. Parang ayoko pang bumili nang ganun. Balikan niyo na lang ako in 2 weeks, baka bumigay na rin ako. :p

Piso

Mura lang ang magtext dito. Pinaghatian namin ni Gerard ang gastos para sa isang simcard. Around 300 pesos yung sim pero ang pagtext halos piso lang din (R2.35 to be exact). International or local text messaging parehas. Nakatry na rin akong tumawag sa Pilipinas, 3 minutes call ko nakagastos lang ako ng 30 pesos. Unbelievable? Bilib it.

Mas mabuti ata ang tumawag kesa matawagan. Nakakailang “prank” calls na ako. Pina-roaming ko kasi yung sim ko. Ang mga tawag galing sa atin nag-register sa phone as telephone number “1102”. Pag may tumawag sa akin na 1102, sinasagot ko siyempre. Kaso wala akong naririnig sa other end, kahit static man lang. Sana hindi naman maglog yon sa monthly bill ko, pero mukhang babagsak dun.

Habit

May weird na habit ang mga taga-rito. Ang pinoy mahilig mag-nod. At tumawa. Madalas sabay. Yung taga-rito, kapag sinasagot ka nila, nagti-tilt yung head. To the left or to the right, sila lang ang nakakaalam. Ano kaya ang mas madalas? Needs more info.

Quotable quotes

“It’s so slow, so tagal.” - thailander wikrom describing the speed of the network here

Wednesday, June 08, 2005

last supper

Last supper

Kahapon nandito si Catherine, ang “puso” ng systemaccess. Ka-meeting niya ang mga bosing ng bank. Isang araw lang siya sa Colombo kaya bumalik din sa Singapore ng ala-una ng madaling araw (kasi madaling araw lang ang flight ng Singapore Airlines dito. hehe.)

Nagtreat siya sa amin ng buffet sa isang Indian restaurant sa loob ng Hilton Colombo. May mga tinapay (French bread, nan), may isda (spicy cuttlefish, eto lang ata), may beef at pork (with blue cheese? familiar ang amoy. hmm…smells like ___), siyempre may salad bar din para sa mga nag-didiyeta. At ang dami ng selection for dessert. Ice cream, leche flan (? – cream caramel yung nasa place card), curd (mukhang taho pero natakot akong tikman), fruits, cakes, at iba pang treats na di ko maexplain but can only enjoy (nagdadrama lang po). At may in-order pang wine. Bat kaya nasasarapan ang mga tao dito? Mapait e.

Feeling ko last supper na. Parang pinapataba na kami ngayon dahil panghuli na yon. Ganito siguro yung feeling ni Hansel and Gretel - between heaven and hell, between success and impending disaster. Ganyan talaga ang buhay. Sabi nga, to whom much is given much is expected (korni na kasi yung sinasabi ni uncle ben na with great power comes great responsibility). Tuloy-tuloy na to. And by God’s grace, all will be well in the end.

Sa lobby ng hotel may pastry shop. Ang gaganda ng mga cakes. Yung tipong nakakalaway na. Gusto ko sanang kumuha ng pictures kaso may gwardiya na bumubuntot sa akin. Ewan ko ba, mahal siguro masyado ang mga cakes. Di pa kasi ako marunong ng covert ops. Sige, sa susunod…

Chuckie vs Kotmale

Miss ko na siya. For the time being, may iba na ako. Meet Kotmale. Kung si Chuckie energetic, si Kotmale dedma lang. Kung naglalakad si Chuckie na parang tao, si Kotmale on all-fours lagi. Conservative ata si Kotmale e at di pa informative (salamat nga pala Chuckie sa tips mo on penholders at corded phone). Dahil mas matanda si Kotmale, mas mautak din siya. Hindi lang chocolate drink ang binebenta niya, pati gatas at apple juice (siguro may pamilya nang sinusuportahan). Wait ka lang, Chuckie. Magkikita rin tayong muli.

Smile

May caretaker dito, tawagin na lang natin siya na Manong. Siya ang nagliligpit ng mga cups, plates dito sa area namin. Di naman siya nagsasalita ng Ingles pero lagi siyang ngumingiti.At ang ngiti niya ay yung bigay na bigay. Kapag nahihirapan ka na sa trabaho, makita mo lang si Manong mapapangiti ka na rin. Ang pagngiti ay isa sa mga bagay na naiintindihan ng lahat. Kaya wag kalimutan, laging ngumiti. Happiness is infectious so share it with a smile.

---

Ayan, finally natapos na rin ang pag-setup nila ng static data. Simula bukas, cycle 1 na. Breathe in for luck.

Tuesday, June 07, 2005

labada, pagkain at wanted

Labada

Matagal-tagal na rin akong hindi naglalaba. Noong nasa dorm pa ako, may laundry service. Ngayong nagtatrabaho na, nagpapa-laundry pa rin ako. Nakakatamad kasing maglaba. Sensitive pa naman ang skin ko (hehehe). Anyway, mahal magpalaba dito. Per piece sila at umaabot ng R90 para sa isang long sleeves, ang pantalon mga fifty pesos ata. Kesa ipanglaba mo yun, ikain mo na lang. Kaya naglaba ako.

High-tech na pala ang mga washing machine ngayon. Naaalala ko noong unang panahon (flashback in black and white), kinakamay pa ang paglaba. Kahit sa bahay namin, di uso ang de-makina. Pagkatapos labhan, ipapatuyo mo para mainitan. Dapat ding bantayan kasi baka umulan – sayang naman ang paglalaba mo, mababasa rin pala.

Yung nasa hotel namin, combo washer and drier. May manual naman siyang kasama, pero malabo pa rin. Yun ngang kasama naming, nagpa-akyat ng housekeeping person para mag-demo. Kaya, nagpaturo na lang kami. Kinamay ko na yung mga puting shirts. Yung iba washing machine na. Eto ang steps: 1) Ilagay ang damit sa loob ng washing machine. 2) Isarado ang washing machine. 3) Buksan ang gripo. 4) Buksan ang detergent cache at ilagay ang sabon at fabric softener sa kani-kanilang container. 5) I-set ang temperature para sa dryer 6) I-set ang timer para sa washer 6) I-pull ang knob para magsimula. Lather, rinse, repeat. Ad infinitum.

Nakakaaliw ang mga sumunod na pangyayari. Sa “bilog” ng washing machine makikita mong naghalo sa mga damit ang sabon na kanina lang ay nasa lalagyan pa. Sunod ang pag-agas ng tubig. At nagsimulang umikot ang labada. Minsan clockwise, minsan counter-clockwise. Pwede ko sanang paanuurin buong araw, kaso nakaka-antok na makalipas ang limang minuto. Kaya nanood na lang ako ng TV.

Pagkain

Ako ang pina-order ng lunch namin kahapon. Nakakahawa minsan ang mga accent ng tao dito. Nung sinasabi ko na ang order, napapa-“pohk” na ako. Nag-chicken na naman ako - ayoko kasi ng pohk (di talaga ako masyadong nag-popohk) or yung fish (anung isda kaya yun?). Sa wakas, tama ang pagkakaluto nila – di na maanghang. Naconfirm na rin ang duda ko – default na maanghang ang mga pagkain dito. Kailangan mong sabihin kung ayaw mo.

Mukhang may original recipe sa KFC. Napansin ko lang last Sunday – may maliit na poster dun sa loob. Saka malaki ang order ng pie nila (cherry and apple). Di ko maintindihan bakit ayaw ng magtinda ng malaking pie sa jollibee at sa mcdo. Bitin yung mini-pie nila e. At hindi dine-in or take-out dito sa KFC. Tatanungin ka kung “eating in or taking away”. Di nag-register noong una kong pagkarinig. Kaya nagsmile na lang and sinabing “come again?”. hehe

Wanted

Father looking for a suitable mate for his 22 year old, 5’1” pretty youngest daughter. Should be of the same caste…Marriage after a brief acquaintance…

English-educated engineer looking for wife. Monthly income is 30,000 rupees…

Nabasa ko to sa isang diyaryo. Sabay nakakaaliw at nakakagulat. Nagiging isang transaksyon ang pag-aasawa. Mahirap maglitanya ng hindi mo alam ang sitwasyon pero parang mali talaga.

---

May mga pictures na pala akong na-upload. Nasa link ko under Pictures.

Saturday, June 04, 2005

ian = ien

Mali ang pagkakarinig nung nagsetup ng PC ko kaya ang computer name ko is “Ien”. Iniwan ko na lang kasi nakakatamad ichange, at para maiba na rin. Ano ba ang isang “Ian” kumpara sa “Chamathj”, “Mahesh” at “Nadun”. Di ba, mas exotic ang dating ng ien?

Talagang passionate ang mga vardhanians. Di kasi natapos ang static data setup nila kaya nandito pa rin kami in kaso magkaproblema sila. =)

Nasiyahan ako nung nag-order kami ng Chinese delivery for lunch. Unfortunately, yung chinese is “chinese” na naman, gaya nung kfc “chinese” meal. Masarap ang pagkain, kaso medyo spicy na naman for my taste. Uminom kaagad ako ng milo para ma-offset ang anghang (wala kasing juice or anything sweet dito. hehe).

One week pa nga lang kami, nami-miss ko na ang pinas. Mabait naman ang tao, bearable naman ang food pero iba talaga ang sa atin. Nakakainis kasi di naman ako marunong magluto ng hindi piniprito, saka mahirap maghanap ng food na sinabawan. Buti na lang may maggi at sopas ako. Kaya sa mga nasa lupang sinilangan, ikain/iinom niyo na lang kami ng original recipe, jolli hotdog, mcflurry, pancit malabon, taho, chuckie, kariman, siopao,…

Konti lang yung channels sa hotel at marami ang paulit-ulit pa. Habang nagchannel-surf ako, nakaabot ako sa Arirang. Ang galing palang mag-English ng mga koreano. Akala ko dubbed (ala Iron Chef), yun pala real-time. Dito naman, yung mga Sri Lankans may slight British accent. Speaking of accents, yung ka-flat namin na si Daniel nag-Singlish din. Eat lah!

Nasa 17th floor kami ng hotel, kaya may view overlooking the ocean. Bago ang dagat, may isang man-made lake. On the other side, may open field kung saan naglalaro ang mga locals ng cricket. One of these days, lalakarin namin yun para imbestigahan.

May isang bosing dito sa bank na ang boses pareho kay Mufasa, yung tatay ni Simba. Na-iimagine ko siya kinakausap ang anak niya:
Mufasa: Look, Simba, everything the light touches is our kingdom.
Simba:Wow!

Nga pala, right-hand drive dito kaya nakaka-disorient initially. May mga taxi na dumadaan na akala ko may pasahero – yun pala drayber na yon :D.

Di naman kasi masyadong hectic ngayon kaya may time akong maghanap ng drivers para sa cellphone ko. By next week, makakaupload na ako ng konting photos para naman may visual aids itong mga kwento ko. Saka yung galing din sa camera nina Gerard and sa mommies namin.

Friday, June 03, 2005

turn the ignition

Moody ang weather dito. May tao sa Itaas na nagbubukas ng gripo tas bigla na lang papatayin.

Kung baguhan ka sa lugar, madali ka talagang maloko. May tricycle sila dito, tawag ay tuktuk or trishaw(?). Bale, yung driver nasa front seat (siyempre) at yung mga pasahero (tatlo lang ang pwede) nasa isang seat sa likod niya. Yung unang trip namin gamit ang tuktuk umabot ng R150. Next time, R70 na. Ngayon R50 na siya. Mukha siguro kaming foreigner e, lalo na't kasama namin si Daniel, galing sa SA Singapore. Yung exchange rate pala dito is $1=Php55=R100.

Nakakaaliw pala ang CR nila sa bank. Parang kotse yung flush nila, paulit-ulit mong i-turn ang “ignition switch” para mag-“start”. Hehe.

Napansin ko rin na laging nagko-costume ang mga tao dito. Yung mga lalaki nila, marami ang nakapalda/sarong/batik/dikoalamanungtawag. At naka-kwelyo ang pantaas nila. Pormal na sa lalaki ang naka-maong at nakapolo kapag may lakad sila. Yung mga babae naman, naka-‘gown’ na two piece so kita ang tiyan. Pero may mahaba silang kumot na nakapalibot sa katawan para di mainitan ang tiyan nila. Colorful ang mga suot ng babae.

Maraming crow dito sa Colombo. Nakakapagtaka nga dahil ilang beses na akong nakakakita sa kanila na lumilipad sa harap ng mabilis na sasakyan pero di sila nadidisgrasya. Namaster na ata nila ang living on the edge dito.

Medyo may kamahalan ang food dito compared sa Manila. Yung KFC Zinger meal nga nila umaabot ng R240 (so mga $2.4) at ang liit pa, parang yung pinakamura ng KFC natin na Chicken burger meal. Natikman ko rin yung “Chinese” chicken meal nila na di ko pa rin alam kung bakit tinawag na Chinese. Parang Rice bowl meal na may konting gulay. At maanghang halos lahat ng food dito. Pati nga ketchup ng Mcdo nila maanghang e. Kung food mahal, paano pa kaya ang mga gamit dito? Ngayon ko lang naintindihan kung bakit bumili yung mga taga-bank ng maraming mga plato at kung anu-ano pa sa Manila. May mga pinadala nga sa amin e kasi nag-excess na ata sila. Sana naman manglibre sila, basta wag lang maanghang. Ang bigat pa naman nung bowl. =)

Speaking of food, nakakapanibago ang lunchtime nila. Office hours is 9-6 pero lunch nila is 2pm. Nakakagutom talaga dito.

Plano nga rin pala na mag-daytrip ngayong Linggo. Kung matuloy, makikita na namin ang mga elepante at yung ngipin ni Buddha. Abangan.

Simula ngayon ng Cycle 0. Sana naman wala na masyadong issues. Ilang buwan din na sakripisyo ang ginawa ng team para sa project na to. Equivalent trade ika nga - ang lahat ng hirap ay may kapalit na ginhawa, di nga lang natin alam kung kailan…pero sana malapit na.

Quote for the day: "We went to manila zoo once...the elephants were poor in nutrition..." (sri lankan speaking on condition of anonymity)

p.s. pasensiya na kung medyo rambling o walang sense ang mga sinusulat ko. weird ang net dito at walang PC sa bahay kaya nag-iisip na lang ako on the fly kung ano ang isusulat. :p

Thursday, June 02, 2005

una

Wow, first post ko. Marami kasing firsts ngayon sa buhay ko kaya lulubusin ko na lang din. Nasa Colombo, Sri Lanka ako ngayon. Para sa trabaho, pero parang nagbabakasyon na rin (at least ngayong first few days).

Anim kaming umalis from Manila. Tatlong mommies (Tess, Suzie, Ophie), isang ate (Libay) at dalawang anak (ako, Gerard). Parang family outing. Hehe.

Mga requirements upang maging immigration inspector sa NAIA:
1) Ability to look pissed off
2) Ability to be easily pissed off
3) Ability to look defeated if you have complete papers

Yun lang siguro ang nakakainis na episode sa NAIA. Parang ayaw kang paalisin ng inspector. Ang raming tanong. Ayaw ngang maniwala na nagtatrabaho ako e. Pakitaan mo naman ng ID, maghahanap pa ng ibang isyu. Laki ng pasalamat ko na naayos ko lahat ng papeles bago umalis. Para lang sa mga travel processing, napadaan pa ako sa DOST sa Bicutan (once) at sa Bureau of Immigration sa Manila (twice). Hirap talaga basta iskolar, naka-blacklist sa kung saan-saan. Magpapayaman na lang muna ako para di na magkakaproblema yung magiging anak ko (parang mali ang labas ng words sa Tagalog: for the record, wala pa po akong anak). Salamat sa mga taga-DOST at BID. Kahit nakailang balik ako sa mga opisina nila, mabait at mabilis naman ang serbisyo (kukulitin mo nga lang).

Wala kasing diretsong flight galing Manila papuntang Colombo kaya dumaan pa kami ng Singapore. Umalis kami (Singapore Airlines) from Manila mga 6pm. Nakakaaliw yung flight. Aside sa food (3 hours kasi yung flight), may “entertainment centre” pa sila per seat. Pwedeng manood ng movies, makinig sa music o maglaro ng games (may Nintendo Gameboy 'emulator' sila – pokemon, Mario, Zelda, etc). Siyempre sinubukan ko lahat, sayang naman e.

Dumating kami sa Singapore around 930pm. Halos isang oras din ang hintay namin sa Changi kay umikot-ikot kami ng konti. Nakaka-tempt ngang bumili ng kung anu-ano dun sa airport pa lang. Kaso, pagtingin mo sa price, medyo may kamahalan. Dadaan ulit kami pabalik thru Singapore kaya sana maka-ikot talaga kami sa susunod. Hanggang airport pa lang ako, pero kita mo talaga na maayos at malinis na lugar ang Singapore. May sale nga raw e for two months. If all goes well, makakabalik kami on time at makakapunta sa sale. On the other hand, if everything gets screwed up, makakabalik kami ahead of schedule at makakapunta sa sale. Aba, win-win situation! (sidenote: na-fix na rin ang mga problema ng system dati kaya wala na sigurong major problems)

Singapore Airlines pa rin kami papuntang Sri Lanka. Nakakaaliw nga kasi yung nasa likod namin mga pinoy. Parang nag-enjoy lang ako makakakita ng ibang Pilipino. Wala lang.

Buti na nga lang din same airline kami. Di ko kasi natapos yung movie ko (Hitch) from last flight. Kainis yung attendant, mga 20mins na lang at kinuha na yung headphones. Ayun, natapos ko rin sa wakas. Ok naman ang movie, by the way.

Mga 3 hours din ang flight from Singapore to Colombo. Dahil sa timezone difference, laging nauuna ng dalawang oras ang Manila/Sing. Dumating kami 1230-1am (Sri Lankan time). Buti na lang din na-ayos na ang taxi naming beforehand through the hotel kaya din a ganun ka-hassle.

Malaki siguro ang city ng Colombo. Colombo-2 ang tawag sa area kung saan kami ngayon - parang hinati-hati into sectors. Yung daan galing airport papunta sa hotel ay parang daan sa probinsya papuntang siyudad. May mga nakabitay na flags (yung pang-piyesta). May mga bahay nasa tabi ng daan at nakabakod. Para ngang may nakita kaming sari-sari store din. Feels like home. Sana may panahon para maka-ikot.

Hanggang dito na lang muna. Medyo mabagal din kasi ang internet kaya dapat sulitin ang konting oras na pwede ako. Tas may pictures din kaming nakuha na, pero sa susunod na…

Running total: 0 SIRs, 0 elephant sightings